March122013

Mula sa may akda:

 

            Karamihan sa mga tulang nakapaloob sa antolohiyang ito ay naisulat nung ako’y  nasa mga huling taon ng hayskul at unang taon sa kolehiyo. Buhat sa damdaming pinaaalpas ng lungkot, galit, obserbasyon at mga karanasan ­­­­– ay ikinulong ko ang mga emosyon at imahe sa mga salita upang sa t’wina ay mabulay-bulay at mabalikan.

 Ang mga kaisipang nakasaad sa mga tulang ito ay maaaring magsangkot ng di katanggap-tanggap na mga paniniwala at kalituhan sa kultura at mga panlipunang aspeto. Kung kaya’t ibinibigay ko ang aking taos-pusong paumanhin sa mga kritiko ng panulaan, literatura at moral o pangkaisipang larangan na may mas malawak na karanasan, pang-unawa at awtoridad kaysa sa may-akda.

            Ang lahat ng pahayag at ideya na nakalakip dito ay orihinal na sa akin at ang anumang uri ng tahasang pangongopya at paglalathala ng bahagi o kabuuan ng mga nilalaman nito ng walang patiunang pahintulot ay mariin kong tinututulan at kinokondena.

© All Rights Reserved 2013

 

                                                                                                                     -Dri Ilustre

12AM

Pilat

Dri Ilustre

 

I

Anong tinig ng anghel ang nag-uutos?

O pagsaliw ng musikang nanghihimok—

Ang sa aki’y ni hindi makapag-udyok

Na baguhin nga ang isip ng pagsubok.

II

Sapaka’t ito’y kipkip hindi ng utak—

Kundi ng isang bagay na laging wasak.

Nguni’t ngayo’y ‘di hahayaang mayurak

Maging ng sa iba o sariling sindak.

III

Wala man sa nasang muling mapagbigyan

Ang dating damdaming nuo’y nalampasan.

Kahit sa balak ma’y hindi na inasam—

Danasing mabigo’t matutong masuklam.

IV

Subali’t ngayon ay wala nang himutok

Ang naiwan sa akin— ni munting poot.

Naglaho na maging ang kimkim na imbot

Na dulot ng pusong namatay sa lungkot.

12AM

Salmo ng Digmaan

Dri Ilustre

 

I

Walang sandatang nakapagpapagaling

Sa kahit na anong sakit na idaing.

Tabak ba ang tawag kapag walang talim?

Saan ang digmaan ng mga mahabagin?

 

II

Anong langit mayroon ang mararahas?

—Matakaw sa dangal at mga talipandas.

Bakit sa lupa may templo ang mga hudas?

—Silang gumawa’t pumalipit ng batas.

 

III

Tao, gising ka nga— nguni’t nakapikit.

Nakadilat ang mata— bakit sa dilim?

Hayop ba tayong pumatay at patayin?

Baka nga ang ahas, ngumiti sa atin.

 

IV

Ubusan ng lahi ay binababasan.

Matira-matibay — lahat ay labanan.

Ang duwag ay walang magiging katawan.

—Magkakapatid tayong mag-uubusan!

 

V

‘Di kailangan ng tapang na mabuhay—

Kung ang iba nama’y mapapasahukay.

Ang giting at lakas ay may gamit lamang

Sa kamay ng taong marangal lumaban.

 

VI

Nguni’t may gyera bang para sa mga banal—

Na likha ng taong mga sakim at hangal?

Liban sa Diyos na totoong maringal.

Na siyang tatapos sa samang nagtagal.

 

VII

Sinong sasagip? Bandila’y iwagayway!

—Hampasin ng hangi’y ni hindi matangay.

Mga bansa ay nagsipag-unat ng kamay—

Nagtaasan ng ulong hiwa-hiwalay.

 

VIII

Mga lipi at bayan ay nagkakaisa.

—Sama-samang nilupig ang isa’t-isa!

Pinakamagaling ang tagumpay nila.

—Bayani ang lahat ng nagsisipusta.

 

IX

At kung ‘di malipol sa dugo at nasa;

Ialay ang sariling walang pag-asa;

Wakasan ang gulo— sa gulong umpisa;

Magtanggol ng kapwa ay sama sa iba.

 

X

—At sila’y sisigaw ng kapayapaan

At iihip ng tambuli sa lansangan.

Sa apat na sulok ng mundo’y sisigaw

Ng pamosong awit na may paimbabaw.

 

12AM

Saro ni Hudas

Dri Ilustre

 

I

Likido ng tukso – luha ng demonyo;

Talunin ang katawang lunod sa mundo;

Buhayin ang nasa sa sigaw ng dugo—

Upang makalabas ang sama’t siphayo.

II

Gisingin kapwa ang palalo at duwag;

Anurin ang takot at kaba’y ilansag;

Itindig din ang pusong nanlulupaypay—

Nang maihanda ang ulo sa pagpugay.

III

Lason kang ‘di bawal at itinatanyag;

Sa marami mukha mo’y anghel ng habag;

Sa iba diyos kang nagbibigay galak—

Nguni’t ang totoo, hilo silang lahat!

IV

Iyak ng halimaw na sala sa hukay:

“Basagin mo ang bote at ipalahaw!”

Kakalat ang tibong patay na pangarap—

Sa kislap ng bubog ay buhay ang alak.

V

Sakit ma’y mahilom sa sariling hapdi.

Tubig ng kamataya’y ‘di masisisi.

Pagka’t ikaw ang uminom at naglihi—

Sa binhing ‘niluwal ng maraming sawi.

12AM

Kaharian ng Gutom

Dri Ilustre

 

I

Para sa mga bitukang naglalabanan—

Bulok mang pagkain ay nakakatakam.

Sa lantang dila’t tuyot na lalamunan—

Tubig mang marumi’y nakapaglalaan.

II

Maging katawan na sinanay magtiis—

Nakadarama din ng hirap at hapis.

Iyon pang hirati sa alak at tamis—

Ang hindi magwala sa pagkagiyagis?

III

Walang malakas at mahinang kalamnan—

Pagka ang sikmura’y nagtutungayawan.

Ang ganda at pangit ay hindi batayan—

Sa tangis ng tiyan na hangin ang laman.

IV

Do’n sa kahariang ang hari ay gutom:

Walang takot, hiya, dangal at hinahon.

Ang buti at sama’y ubos ng panahon—

Kung hindi pa hahanap ng malalamon.

12AM

Daidig ng Kalituhan

Dri Ilustre

 

I

Kung ang wasto ay di dapat maging lisya.

Bakit pipiliting sa mali lumaya?

Ng damdaming wari sa mundo’y nawala—

Matapos marating ang sariling nasa.

II

Isipin ma’t hindi’y darating din naman

Ang lahat ng bagay sa dapat kalagyan.

Bakit pa kaylangang marami ang daan?

—Kung ang tinutungo ay pawang isa lang.

III

O bakit, o bakit sa pagpili’y hirap?

Walang masulingan kung alin ang hanap.

Di kung marami’y pipiliin ang lahat—

Gayong ‘pag naglaho’y sandali at iglap.

IV

Inibig ang isa’t — ikalawa’y dibdib.

Una’y pinangarap— hulihan ang hagap.

Kapwa nga ninanais at sinusukat—

‘Pag nasa palad na’y walang sumasapat.

V

‘Di malirip kung saan, sa’n ba patungo?

Sa gulo ng isip— dumamay ang puso;

Sa lahat ng panig diwa’y lumalaro;

Ni sa walang landas— lumihis, lumiko.

12AM

Sigaw ng mga Batong-buhay

Dri Ilustre

 

I

Wala sa kahol ang mga pangil ng aso;

Ni may angil na nagpatapon ng dugo.

Ang mga salita’y tunog lamang at laway—

Minsa’y kumikitil; minsa’y bumubuhay.

II

Oo, diyos na naglalaro sa dila;

Namamanginoon sa ngiti at luha.

Gamit ka ng taong— siya ang alipin;

Malaya at mapusok kaysa damdamin.

IV

Mga tinig nga at hudyat lamang sa bibig.

Minsa’y mabilis pa sa takbo ng isip;

Higit sa tabak, sa baril o sa bisig—

Ang likha na sakit ay nagpapamanhid.

V

Kapag ang labi ay napakatahimik—

Sa mata ang wika ay nakatutulig.

Dumadagundong man ang hiyaw sa langit—

Pagbalik sa lupa ay sigaw na impit.

12AM

Mahinang Sisidlan

Dri Ilustre

 

I

Larawan ng babae’y sariwang ubas—

‘Pag pilit kinatas ay bulok na pasas.

Birheng matimtiman ang puri sa labas—

Sa loob, palakpak nama’y nanghuhudas.

II

Ang naiwang katas, ginagawang alak—

Panlasing sa labi na hayok sa sarap;

Inumin ng nasa at aliw na ganap;

Panghugas sa tubig na babad sa latak.

III

Minsa’y panuorin, pangganyak sa madla—

Sa ganda ng sining, lahat ay tulala!

Naglalaway-asong kunwa’y pikit-mata—

Sa pagpinid nama’y nasa isip pala!

IV

Ginagawang pita sa tigang na laman;

Pamukaw sangkap sa pinaluluguran;

Kurtinang isuot, pinagtatawanan—

Gayong tagos naman sa titig ng ilan.

V

Gaano kahirap maging kahihiyan?

Kahinaang angkinin at paglaruan;

Magtago sa walang pinagkukublian;

Basagin ang isang mahinang sisidlan.

March112013

Sa Aking Paraiso

Dri Ilustre

Kumukulog, kumikidlat—

Ang araw ay sumisikat pabaligtad.

Sa aking paningin ay may dilim at liwanag

Nguni’t sa kawalan ako lumalakad.

May naghuhumiyaw sa labis na galak

At mayroon ding naninimdim na pusong durog at wasak.

Nguni’t ako’y bumubulong, humihikbi’t umiiyak

Sa dakong hiwalay sa marami’t ‘di lantad.

Isang ibang mundo ang aking tinatahak

Doon sa malayo at walang humahanap

Na wala nang humihiling,

nangangako’t,

nangangarap.

11PM

Sulyap

Dri Ilustre

 

I

‘Di kailangang isaulo ang lahat

Nang mga ninanais at pinapangarap.

Minsa’y kung magsikap ay hindi din sapat—

Marami ang dukhang matyaga’t masipag.

II

Kapag gabituin ang nais abutin,

Tumuntong ka pa din sa lupa’t tumingin,

Nang iyong makita kung makakarating—

Ang iba sa iyong paana’y gayundin.

III

Patay man ay mayro’ng dakilang minithi

Nung siya ay buhay at namimighati—

Tayo pang narini ang walang lunggati?

Na magtagumpay nga at hindi masawi.

IV

Nguni’t mag-ingat lang na hindi maganap

Ang kinatatakutan ng halos lahat

Na maging gahaman at saka mamulat

At malamang sarili’y ‘di na kasukat.

11PM

Pagpalahaw

Dri Ilustre

I

Gaano ba nakaiinis ngumiti?

 ‘Pag ngalit ang ngipin at tikom ang labi.

Walang halaga ang luhang pinipigil.

Ang buntong hininga ay patay na angil.

II

Mga mukha ay punitin sa pagkamuhi;

Hawakang mahigpit ang dila’t itali;

Buhayin ang mata sa hanging mainit

At saka busugin ang puso sa ngitngit!

III

Ang tinging ‘di mabasa ay paalpasin.

Basagin ang tinig— isigaw sa langit!

Sa nginig ng laman at buto ibaling

Ang hindi mabilang na suya’t hinaing.

IV

At kung ‘di malimot sa ganang sarili;

Umahon sa labas ng pagkaduhagi.

Limutin ma’t bayaan ang pagkasawi—

Madaling isipin at magbalik-muni.

11PM

Poot

Dri Ilustre

I

Ang luhang kipikip ng poot ay mabigat

Kaysa dulot ng takot, lungkot at galak;

Magaan— subali’t madaling bumagsak;

Katulad ng hamog sa tanghaling tapat.

II

Ang bagang nasupil ng sariling init

Ay ‘di mapagniningas ng tagong lamig.

Kapag laging sinalangga ang bulusok—

Lalu lang tumitindi ang bawat salpok.

III

Ang damdaming sa loob nagsusumigaw

Na ibinubuhos sa bulong na hiyaw

Ay bulkang tahimik at berdugong uhaw—

Kung sumira ay tulad ng damong-ligaw.

IV

Maging sinuman ay may layang magalit

Ng walang pinsala o samang makamit.

May sala ang tao kung hindi magtiis.

Mabuti pa’ng balakyot— sa ‘di nainis!

11PM

Kamatayan

Dri Ilustre

I

Ang kamataya’y baligtad na pag-iral.

Isang kapanganakang sakdal at tunay.

Magbuhat sa mga pasimulang liwanag—

Hanggang sa kadilimang ‘di maapuhap.

II

Ang kamataya’y ‘di tinakdang pag-idlip.

—Isang paghimbing na walang panginip.

Mula sa panahon na hinahanggan—

Tungo sa sandaling walang kawakasan.

III

Sa dako ng kapayapaa’t tahimik—

Mga nangamatay doo’y  nagsisiawit

Ng korong sa mga buhay ay nalilingid;

Ng himnong sa sanlibuta’y nawawaglit.

IV

—At sa kanilang pahingang magluluwat.

Sa wala ay ‘di man makapangangalat

Ang humpak na aninong naglalagalag—

Na hanging ni walang pagdampi sa balat.

11PM

Isang Mundong Buntong-hininga

Dri Ilustre

I

Tinakal ang butil na sukli ng pawis.

—‘Wag lang mapinsala ang ‘di makatiis.

Inang bayan, mahalin mo ang mga ganid!

Sapagka’t kami’y sanay nang nahahapis.

II

Kung kami’y maiwan ng kapanahunan.

—Silang malalaki ay iyong ingatan.

Sa duyang mataas ni ‘wag pabayaan

Na baka malula at magsipulasan.

III

Bahala na sa aming mga nakayapak—

Ang lupa’y sumalo kung mapapalagpak.

Nguni’t silang de-sandalyas na makintab

Ay paki-alalayang ‘di mauusad.

IV

Kaming nangangabay at bigay sa dilim—

Hayaan mong mapaluhod ng madiin.

Sapagka’t kami’y mandaragat sa giting.

—Maunos mang araw ay naglalayag din.

V

Ligaya na namin kung may isasaing.

—Sila nama’y alak na mailalasing.

Sa bawat mataginting nilang halakhak—

Ang bayad sa ami’y isang-libong iyak.

VI

At kung kapos nga sa naging pagsisikap—

Mapalad silang sa salapi ay anak.

Kami, pagka’t dukha’y ‘di na naghahanap—

Sa patak ng luha ng kaunting sarap.

11PM

Ngiti ng Sarap

Dri Ilustre

I

Mga ilang sentimong pagpapatiwakal—

Gamot lang sa sariling pinakamahal.

Magkano ang buhay? Barya lang ang tagal.

‘Wag nang madaliin at magpakahangal!

II

Siyang bumibili ng kanyang ligaya—

Ay nangungutangan ng saya sa iba.

Ang bayad ng puso na pukaw sa nasa—

Ay dangal, sama at kawalang pag-asa.

III

Di naman binibilang sa mga daliri—

Lahat ng bagay na masama at mali.

Kailangan lang tinitimbang mabuti—

Kung alin ang dapat pinagpupunyagi.

IV

Magkakaubos din ang galak sa mundo.

Kasabay papanaw ang lahat sa iyo.

Labis mang lungkot ay walang mababago—

Sa budhing nasanay mapilit sa tukso.

← Older entries Page 1 of 2